Wednesday, October 19, 2011

Tayo ay manunulat

Tayo ay manunulat.

Tayo ang mga tulay ng iba't ibang panahon at tagasalin ng tradisyon. Sa ating mga akda, napagdu-dugtong-dugtong natin ang mga kwento't alamat ng ating lahi mula sa unang pagsikat ng araw sa ating mga isla sa panahon ni Bathala hanggang sa kasalukuyan, sa ilalim ng ibang ulap na inihip parito ng tadhana. Kung hindi tayo nagsulat at patuloy na magsusulat, hindi na tayo makababalik pa sa lupa at mundong ating pinanggalingan. Yaong mundong may hustisya at kapayapaan sa bawat apak ng paa ng ating mga ninuno, sa kanilang bawat sagwan, sayaw at pagkanta sa mga gubat at kapatagan, sa kanilang bawat paghinga.

Ang ating mga mata ang bintana ng kasaysayan. Hanggang tanaw at saksi natin ang ating bansa, ang kanyang mga mamamayan at ang mga kaganapan sa kanyang mga bayan, maitatala ng ating mga kamay kung ano at sino at naging tuwid, baluktot, mapag-balatkayo, ang mga naging bayani at ang mga pook ng kanilang kadakilaan, at ang yaong mga karaniwang taong tahimik sa pagtulong sa kapwa at pag-buo ng mga haligi ng lahi at bayan. Huwag tayong magpapabulag sa takot o ambisyon; walang halaga ang yaman sa manunulat na tapat sa tungkulin. Huwag tayong pipikit sa dilim kung kailan tayo ang inaasahang hahawak ng liwanag ng katotohanan, dahilan at pag-asa. Huwag tayong kikindat at piliting mang-aliw, kung kailan kailangan ng ating mga matang dumilat sa katotohanang nagaganap sa ating paligid. Huwag tayong kukurap sa ihip ng suliranin. Huwag tayong pipikit, mga manunulat.

Tayo ay mga manunulat. Sa iilang letra, bumubuo tayo ng libo-libong istorya, mga istoryang pinakakawalan natin sa hangin ng buhay. Naway yaong mga makahahagip ng ating mga akda ay makakapit dahil marami sa kanila ngayo'y mga istorya na lamang ang kayang mahawakan. At sa kanilang pagkapit, naway's madala natin ang kanilang isipan sa malawak na himpapawid ng pagkakataon at pangarap. Palayain natin sila sikip ng pagdududa, sa putik ng aba at sa kamatayan ng kawalang pag-asa. Dalhin natin sila sa liwanag. Ipakita natin ang mas malaking katotohanang malawak ang mundo at ang espasyo nito para sa mga taong nagpupursigi. Dalhin natin sila sa taas ng bundok ng tagumpay nang makita nilang mapanganib man ang gubat ng buhay, ang sukal nito'y nadadaanan, naaakyatan, napagwa-wagian. At kapag sila'y nasulasok at nakulong sa patibong ng ibang tao, mapagpanakop na pananampalataya, kasinunangilan, impluwensya at doctrina, magiging malakas ang bagwis ng katotohanang ating sinusulat na aalpas sa anumang paghila. Bigyang lakas natin ang ating mga letra sa bawat kwento, pelikula, dula, tula at lahat ng akda.

Tayo ay manunulat. Tayo ay walang lahi, pamilya, relihiyon at partido dahil kalahi, kadugo, kapanampalataya at kasama natin ang lahat. Walang tayong panig, walang kampi, patron o panginoon kung hindi katotohanan at bayan. Wala nang mas tataas pa, wala nang sasambahin pang iba o paglilingkuran pa, kung hindi ang kadakilaan ng bayan. Wala tayong sisiguraduhin kung hindi ang pagsulong ng lahi sa gabay ng katotohanan.

At sa dapit-hapon, magtipon-tipon tayong mga manunulat sa dalampasigan ng tadhana. Tayo'y magsaya at magdiwang sa ating tungkulin. Hindi tayo mga panginoon ni alipin, hindi bayarang kawani o masunuring utusan. Kaya magdiwang tayo sa ating kalayaan at ipagtanggol ang kapangyarihang ito; kapangyarihan ipinamana sa atin ng mga sakripisyo ng ating mga ninuno. Tayo'y mga manunulat, mga alagad ng bayan, anak ng mga bayani. Magsama-sama tayo sa ating mga mithiin at tungkulin. Sa araw-araw ng buhay, alalahanin at tupdin natin ang ating dakila at banal na layunin.

Mahirap magbingi-bingihan sa katotohanan; mahirap magsulat subalit kinakailangan.

No comments:

Post a Comment